Lacson, naging moral booster si Pangulong Duterte; Sotto, hiling ang matiwasay na buhay kay Pangulong Duterte

Inihayag ni presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson na bagama’t magka-kontra umano sila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa maraming isyu at minsan ay nagpapatutsadahan pa pero sinabi ng beteranong senador na hindi niya makakalimutan ang magandang ginawa ng pangulo noong panahong may kinakaharap siya na mabigat na isyu.

Ang pahayag ay ginawa ni Senator Lacson makaraang batiin nito ng maligayang kaarawan ang pangulo na nagdiriwang ng kaniyang ika-77 kaarawan.

Paliwanag ni Lacson, naging moral booster niya ang pangulo noong nakabinbin ang kasong Kuratong Baleleng laban sa kaniya noong kalagitnaan ng 1990’s kung saan iniutos na manatili lang siya sa kampo.


Kwento ni Lacson, noong alisin na ang restriction sa kaniya, inimbitahan siya ng pangulo na noon ay Davao City Mayor na maging special guest sa Kadayawan Festival.

Sinabihan daw siya ng pangulo na mag-relax muna sa Davao kaya inimbitahang maging special guest sa naturang festival.

Giit ni Lacson, hindi niya makakalimutan ang ipinakitang suporta ng pangulo sa kaniya.

Samantala, nagkakaisa sina Lacson at vice presidential aspirant Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang birthday wish sa pangulo na sana ay magkaroon ito ng mabuting kalusugan at matiwasay na buhay pagkatapos ng kaniyang termino sa katapusan ng Hunyo ng taong kasalukuyan.

Ayon kay Sotto, hangad niya na magkaroon ng peace of mind, mabuting kalusugan at masayang kaarawan si Pangulo Duterte.

Facebook Comments