Lacson, nanindigang may karapatan siya bilang senador na magsalita ukol sa VFA

Nanindigan si Committee on National Defense Chairman Senator Panfilo Lacson na may karapatan siya na magsalita sa isyu ukol sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

Pahayag ito ni Lacson makaraang sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang kinalaman ang senador sa isyu ng gobyerno sa VFA kaya sa susunod ay kumonsulta muna ito sa abogado bago magsalita at gumamit ng lengguwahe na makapagpo-promote sa kanyang pagkatao.

Pero diin ni Lacson, hindi man siya abogado tulad ni Pangulong Duterte pero noong huli nyang mabasa ang ating konstitusyon, ay malinaw na ang isang senador ay may kinalaman sa nga international agreements na pinapasok ng ating pamahalaan.


Sabi pa ni Lacson, dapat na i-refresh ng Pangulo ang kanyang memory sa pamamagitan ng pagbasa sa Article VII Section 21 ng ating 1987 Constitution.

Nakasaad dito na walang anumang tratado o international agreement ang magiging balido at epektibo maliban na lang kung niratipikahan o inaprubahan ito ng two-thirds ng lahat ng miyembro ng Senado.

Ayon kay Lacson, kahit ang ordinaryong mamamayan ng bansa na sa pakiramdam ay napahiya sa masakit at undiplomatic remarks ng Pangulo ay may karapatan sa ilalim ng ating konstitusyon na maghayag ng kanyang opinyon.

Giit ni Lacson, walang sinuman, kahit ang Pangulo, ang maaaring kumitil sa naturang basic right ng publiko.

Facebook Comments