Pinangunahan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson ang ceremonial march ng ‘Matatag’ Class of 1971 sa Borromeo Field upang ipagdiwang ang ika-50 anibersaryo ng kanilang pagtatapos sa Philippine Military Academy (PMA).
Tumanggap din sila ng isang gintong medalya upang alalahanin ang naganap na espesyal na okasyon. Ang panganay na anak ni Lacson na si Ronald Jay, na naglilingkod din bilang Chief of Staff niya sa Senado, ang nagsabit ng medalya sa kanya.
Ang pagtitipon ay naganap nitong Sabado ng umaga (Disyembre 18) sa loob ng PMA campus sa Fort Del Pilar, Baguio City na binisita rin ni Lacson noong Biyernes (Disyembre 17) upang makipagpulong sa kasalukuyang alkalde at kapwa taga-PMA na si Mayor Benjamin Magalong.
Sa kanyang talumpati ay binati ni Lacson ang kanyang mga kapwa alumni at kani-kanilang mga pamilya sa lahat ng tagumpay na kanilang nakamit sa buhay. Sa kanilang muling pagkikita ay ginunita nila ang mga alaala at sakripisyong dinaanan nila sa loob ng kanilang pamantasan.
“For the Matatag Class of 1971, it was 50 years of glory, service, triumphs, defeats, and sacrifices. Our class members were called different names—some good, some bad—sometimes even vitriolic and vicious, which I had actually experienced,” pahayag ni Lacson.
“As the long grey line keeps getting longer, we remain unbowed in carrying the heritage of our esprit de corps as cavaliers. We keep history alive as we gather here today on the iconic Borromeo Field,” dagdag pa ni Lacson. Nasa 108 silang mga taga-PMA na nagtapos sa pag-aaral noong 1971.