Pinagpapaliwanag ni Senator Panfilo Lacson ang House Leadership sa inaprubahan nitong infrastructure projects sa mga congressional districts na nakapaloob sa P4.5 trillion national budget kung saan nasa P620M hanggang P15 billion ang alokasyong nakita sa bawat mga kongresista.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P659 billion budget para sa Department of Public Works and Highway(DPWH), sinabi ni Lacson na halos kabuuan ng pondo ay alokasyon sa mga distrito ng mga kongresista.
Pabiro nitong sinabi na ang insertions ng mga senador ay lumalabas na parang barangay kagawad lamang ang mga ito kumpara sa insertions na ginawa ng Kamara.
“Colleagues, all I can say is, pity yourselves, those of us who may have individual insertions, it will make you look like barangay kagawads compared to our House counterparts. You see, from a high of P15.351 billion to a low of P620 million” pahayag ni Lacson.
Tumanggi naman si Lacson na tukuyin ang mga pangalan ng mga kongresista na nakakuha ng malaking infrastructure projects.
Malinaw umano na may kumpas ng House Leadership ang paghahanda sa budget at kung sino- sino ang makakakuha ng may malalaking pondo kaya mali na ibaling ang sisi sa DPWH dahil malinaw na ang mga congressman ang gumawa ng listahan.
Matatandaan na una nang sinabi ni House Appropriations Committee Chairman Rep. Eric Yap na ang DPWH ang syang dapat na magpaliwanag sa mga infrastructure projects na pinondohan sa ilalim ng 2021 budget.
Gayunpaman sinabi ni Lacson na suportado nya ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi corrupt si DPWH Secretary Mark Villar.
“I’m not blaming the department if it appears this way because practically, mga congressmen po ang may gawa ng mga listahan na ito,” paliwanag nito.
Sinabi ni Lacson na hindi pa dapat magbunyi ang mga kongresista sa kanilang malaking 2021 budget dahil bagamat naisumite na sa plenary ang DPWH budget ay maaari pa itong amyendahan at baguhin bago ang second reading at sa bicameral conference meeting.
Ilan sa una nang tinukoy ni Lacson na may malaking infrastructure budget ay isang distrito sa Davao na may P15.351B budget; sa Albay ay P7.5B, sa Benguet ay P7.9B habang sa Abra ay P3.75B.
Hindi tinukoy ni Lacson ang mga partikular na distrito subalit isa sa may hawak ng Distrito sa Davao ay si Presidential Son at Davao 1st District Rep. Paolo Duterte, sa 2nd District ng Albay ay si Joey Salceda, sa Abra ay si Lone Distrct Rep. Joseph Bernos habang caretaker naman sa Benguet si ACT CIS Partylist Rep. Eric Yap.
Ang 2021 budget ay pinagtibay sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Lord Allan Velasco subalit tumanggi ito na magkomento sa mga rebelasyon ni Lacson.
Matatandaan na sa House Speakership row ay ginawang isyu kay dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang hindi patas na infrastructure allocation sa budget kung saan inakusahan noon si Cayetano na pinaboran ang ilang mga mambabatas subalit sa pamumuno ni Velasco naipasa sa Kamara ang 2021 budget.