Walang pilitan basta’t sumunod sa napagkasundaang usapan at may paninindigan.
Ito ang sinusunod na batayan ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo ‘Ping’ Lacson at katambal niyang si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa mga kandidato na lumalapit para mapasama sa kanilang linyada.
Basta’t kwalipikado at handang tumulong sa mga Pilipino ay tinatanggap ng Lacson-Sotto tandem.
Pero ang tanging kondisyon sa mga in-adopt nilang kandidato ay huwag mag-endorso ng ibang presidential tandem.
“Ang nakita namin parang they have chosen to embrace a different set of advocacies and principles. And to us, non-negotiable ‘yung mga principles e.
Kaya nga mayroong standards na sinet (set) kami even before na ‘yung i-a-adopt namin, we don’t care if you don’t endorse us, but please don’t endorse other tandems or other candidates for that matter,” sabi ni Lacson.
Inihayag ito ni Lacson makaraang ianunsyo na hindi na kabilang sa kanilang senatorial slate ang aspirant na si dating Quezon City Mayor Herbert ‘Bistek’ Bautista at reelectionist na si Senador Sherwin ‘Win’ Gatchalian na kapartido ni Sotto sa Nationalist People’s Coalition.
Ipinakita ng presidential bet ng Partido Reporma sa kanilang ‘Meet the Press’ forum nitong Huwebes ang video kung saan makikitang ipinakikila ni Gatchalian ang ibang mga kandidato bilang kanyang presidente at bise presidente sa sinamahan niyang proclamation rally kamakailan.
“Nagpaalam silang dalawa ni Migz Zubiri sa kanya (Sotto), pinuntahan siya. Sabi nila, nagpaalam kung pwedeng doon sila pupunta sa Philippine Arena instead of Imus. But they made a very firm commitment ‘hinding-hindi kami mag-e-endorse doon at mananatili kami na magsusuporta sa Lacson-Sotto tandem’,” paliwanag ni Lacson.
“So, what happened si Senator Migz was firm in his commitment because he never endorsed. Kasi pinanood namin ‘yung videos, including Senator Richard Gordon, wala rin kaming nakita,” dagdag ni Lacson.
Para kina Lacson at Sotto, dapat suriin ng mga botante ang mga kandidato na lumilipat-lipat ng kakampi dahil magandang pagkakataon ito para makilala kung sino ang tunay na may integridad, katapatan, respeto sa sarili at paninindigan, lalo na kung sa para sa taumbayan.
“Kasi tinuro sa atin ng mga magulang natin ‘yung mga virtues e, ‘di ba? Honesty, integrity, loyalty – kasama ‘yon. Dignity, kasama ‘yon. Self-respect, kasama ‘yon,” aniya.
Sa kabila nito, sinabi ni Lacson na sa 18-taon niyang karanasan sa pulitika, pagkatapos magsilbi bilang opisyal ng pulisya, nauunawaan niya ang galawan ng mga politiko sa Pilipinas.
“We understand na gusto rin nilang manalo in any way or means that they think would suit them. So, we respect their decision, but we also have to respect our own standards. Ganoon lang kasimple ‘yon. One day lang naman ‘yung eleksyon e. After election, we’ll still be friends if they want,” saad ni Lacson.
Nilinaw nina Lacson at Sotto na hindi masama ang kanilang loob sa nangyari. Biro pa nga ng vice presidential aspirant, tila nabunutan sila ng tinik dahil 15 ang gustong magpa-endorso sa kanila. “E ‘di ngayon 13 na lang. Isa na lang ang pinoproblema namin,” ayon kay Sotto.