Isang homecoming ang inaasahan para sa tandem nina Senador Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanilang pagbisita sa Cebu ngayong araw.
Inaalala ni Presidential aspirant Lacson ang kanyang pagiging “Adopted Son of Cebu” nang siya ay namuno roon bilang commander ng noo’y Philippine Constabulary Cebu Metropolitan District Command (MetroDisCom) mula 1989 hanggang 1992.
Ayon kay Lacson, ang kanyang pagiging adopted son ng Cebu ay bilang pagkilala sa kanyang paglilingkod nang may katapatan nang pinamunuan nya ang Cebu MetroDisCom.
Naikwento pa ni Lacson na kanilang nasagip noon ang batang biktima ng kidnapping na anak ng pamilyang Gaisano. Inalok sya ng pamilya ng pabuya kapalit ng pagkakasagip sa bata ngunit mariin nya itong tinanggihan.
Si Sotto naman na tumatakbo sa pagka Bise Presidente ay may mga kamag-anak sa Cebu kung saan nanggaling ang kanyang ama.
Para naman kay Sotto, nais nilang ipresenta ang kanilang plataporma sa mga residente ng Cebu bilang vote-rich province at may epekto rin ito sa ibang mga probinsya sa Central Visayas.
Alas nuwebe ngayong umaga inaasahang lalapag sa Mactan Airport sina Lacson at Sotto at diretso sila sa inagurasyon ng Sotto Headquarters at pagharap sa kanilang mga supporters.
May nakatakdang courtesy call din sina Lacson at Sotto sa Naga Mayor na masusundan ng isang programa sa Cebu City Hall gym.