Hindi hadlang ang buhos ng ulan sinalubong pa rin ng mga tagasuporta ng Lacson-Sotto tandem na sumalubong kina Partido Reporma standard-bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate nitong si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa pag-iikot nila sa Sta. Cruz, Laguna kahapon ng umaga, bilang unang bahagi ng kanilang kampanya sa CALABARZON Region.
Bahagya mang umulan ay matiyaga pa ring naghintay ang mga mga residente, vendor sa palengke, at grupo ng mga tricycle driver sa pagdalaw ng tambalan nina Lacson at Sotto sa Brgy. Sto. Angel Sur.
Kahit paulit-ulit ang paalala ng dalawa sa kanilang mga tagasuporta na sundin ang social distancing ay hindi sila napigil para makipagkamay o makakuha ng selfie.
Nagtungo sa Laguna sina Lacson at Sotto para sa isang town hall meeting na layuning makausap nang personal ang iba’t ibang sektor tulad ng mga maliliit na negosyante at miyembro ng Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) at marinig ang kanilang mga katanungan at hinaing.
Kapansin-pansin na dami ng mga gustong makinig, umabot sa halos 500 ang mga nakiisa sa pagtitipon, hindi pa kabilang dito ang mga tagasuporta ng Lacson-Sotto tandem na nagsagawa ng kanilang motorcade upang ipakita ang kanilang mainit na pagtanggap sa tambalan ng dalawang batikang public servants.
Napag-usapan muli ang katiwalian na nagiging ugat ng mga problema na nararanasan ng mga Pilipino partikular sa agrikultura, kalusugan, at edukasyon, lalo ang kawalan ng batayang datos o pag-aaral sa mga umiiral na polisiya ng gobyerno.
Ipinangako nina Lacson-Sotto tandem na bukod sa paglaban sa katiwalian sa gobyerno magpopokus din sila sa paglalaan ng pondo para sa mga pag-aaral na makatutulong sa pagpapaunlad ng teknolohiya, agrikultura at digitalization ng mga transaksyon sa gobyerno para mapagaan ang buhay ng bawat Pilipino anuman ang sektor na kanilang kinabibilangan.
Kasama nina Lacson at Sotto sa kanilang kampanya sa Laguna ang mga senatorial candidate na sina Gringo Honasan, JV Ejercito, dating Agriculture Secretary Emmanuel ‘Manny’ Piñol, retired Gen. Guillermo, Eleazar, at Dra. Minguita Padilla na tumatakbo sa ilalim ng kanilang ticket.