Hindi sang-ayon si presidential candidate at Senator Panfilo “Ping” Lacson na suspindihin ng Department of Transportation (DOTr) ang fuel subsidy sa mga operator at driver at nasa agricultural sector na apektado ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Naniniwala si Lacson na hindi dapat masakupan ng Commission on Elections (COMELEC) ang social services ng gobyerno lalo na sa panahong taas-baba ang fuel prices.
Iginiit ni Lacson na ang distribusyon ng fuel subsidy ay itinatakda ng special provision ng DOTr budget sa ilalim ng General Appropriations Act.
Aniya, ang pwedeng gawin ng Senado ay rebyuhin ang ganitong patakaran.
Aniya, bahagi ng oversight power ng Senado na tanungin ang naging basehan para masakupan ng election ban ang pagkakaloob ng social servicess.
Umapela na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa COMELEC na pahintulutan itong ituloy ang fuel subsidy disbursement.
Sa ngayon, naghihintay pa ang LTFRB sa desisyon ng COMELEC en banc sa kanilang kahilingang exemption.