Lacson-Sotto tandem, naglatag ng solusyon sa pangmatagalan na problema sa iligal na droga at iba pang problema ng bansa

Naniniwala sina Partido Reporma Chairman at Standard-Bearer Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na mahalaga na maglatag ng pangmatagalang solusyon sa iligal na droga.

Ayon kay Lacson, inihanda na nila ang kanilang mga sarili para maglatag ng mga kongkretong solusyon sa malawakan at nagpapatuloy pang problema sa iligal na droga, katiwalian ng mga nasa gobyerno, pagnanakaw sa taumbayan, at marami pang isyung pambansa.

Paliwanag ni Lacson, anuman ang maging resulta ng eleksyon sa Mayo 9 ngayong taon, kumpiyansa siyang magagamit pa rin ng mga susunod na henerasyon ang kanilang mga inilalatag na plataporma at adbokasiya dahil ito ang kanilang binuong paraan para maresolba ang mga nagpapahirap sa buhay ng mga Pilipino.


Inaasahan din ni Lacson na makatutulong para sa mga botante ngayong eleksyon at sa mga susunod pang panahon ang kanilang paraan ng pangangampanya na nakapokus sa seryosong mga problema at solusyon nito, sa halip na magbigay-aliw lamang sa mga Pilipino tuwing panahon ng kampanya.

Sinabi naman ni Sotto, na positibo ang pananaw nila ni Lacson sa ilang kandidato na ginagamit ang kanilang mga naunang inilatag na adbokasiya simula pa nang ianunsyo nila ang kanilang kandidatura.

Giit ni Lacson na aayusin ang gobyerno, aayusin ang buhay ng bawat Pilipino at uubusin ang magnanakaw ang nais ipatupad ng tambalang Lacson-Sotto sa kanilang mga kandidatura gabay ang kanilang tapat, subok at mahabang karanasan sa paglilingkod sa bayan.

Facebook Comments