Lacson-Sotto tandem, pabor na suspindehin ang Excise Tax sa langis

Sang-ayon sina Presidential candidate Senador Panfilo “Ping” Lacson at kanyang running mate na si Vice Presidential candidate Senate Presidente Vicente “Tito” Sotto III sa ilang mga hakbang na ginagawa na ng kasalukuyang administrasyon upang hindi labis na maapektuhan ang mga ordinaryong mamamayan, lalo kung magpapatuloy ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kina Lacson-Sotto tandem, kabilang na rito ang planong pagsuspinde sa Excise Tax sa langis na unang iminungkahi ni Lacson, gayundin ang pagpapatupad ng Php 2.5-billion ‘Pantawid Pasada Program’ sa pamamahala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ayon sa Department of Energy (DOE).

Paliwanag pa nina Lacson-Sotto tandem, mayroon din umanong Php 500-milyong fuel discount program para naman sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) kung saan ay ipinangako rin umano ng DOE na tututukan nito ang supply ng mga produktong petrolyo para proteksyunan ang mga mamimili.


Giit pa ni Lacson, dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang mga isinasagawang paghahanda lalo kung hindi matigil ang pagsipa ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado at kung magtatagal pa ang labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Matatandaan na sa isang Press statement noong Miyerkules, tinitiyak ng DOE na sapat ang supply ng langis pero hindi maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo sa bansa dahil apektado ng nagaganap na digmaang Ukraine-Russia ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Facebook Comments