Ibinunyag nina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate president Vicente “Tito” Sotto III na dalawang klase ng magnanakaw ang ordinaryong magnanakaw na sila ang pumipili ng nanakawin at ang magnanakaw sa gobyerno kung saan ang mga Pilipino naman ang pumipili sa kanila para pagnakawan tayo.
Ayon sa Lacson-Sotto tandem, ang pinakamasaklap ay alam umano ng mga Pilipino na ang ninanakaw sa atin ng mga magnanakaw sa gobyerno ay ang ating karapatan sa kalusugan, karapatan ng mga kabataan na magkaroon ng magandang edukasyon, karapatan ng mga magsasaka sa agrikultura at ang pinakamabigat, umano nito ay ang karapatan ng mga kabataan sa isang magandang kinabukasan.
Dahil dito, muling hinikayat ni Lacson ang lahat ng mga botante na isiping mabuti ang kanilang pipiliin sa mga kandidatong umaasa sa kanilang mga boto ngayong panahon ng kampanya.
Paliwanag pa ng Lacson-Sotto tandem, dapat umano ay isaalang-alang ng mga Pilipino ang kasaysayan ng bawat kandidato upang hindi sila dumating sa punto na ihihingi nila ng tawad sa kanilang mga anak at kaapu-apuhan ang maling desisyon sakaling ang mga bigating magnanakaw na naman ang mamamayagpag sa darating na halalan.
Giit pa ng mga beteranong senador na dapat pag-upo ng mga botante sa polling booth, isipin muna ng mabuti kung ang iboboto ba nila ay ang mga magnanakaw ng kaban ng bayan dahil maraming umanong mga politiko ang madaling magsabi,na galit sila sa magnanakaw pero kapag nakaupo na umano sa pwesto nalilimutan na ang mga ipinangako sa bayan.