Lacson-Sotto tandem, planong lumikha ng paluwagan para sa mga maliliit na negosyante

Pinag-aaralan ngayon ng Lacson-Sotto tandem ang mga pamamaraan na naaayon sa batas para mapaunlad ang sektor ng maliliit na negosyante sa Pilipinas, kabilang ang mga paluwagan at pagtatatag ng bangko na tututok lamang sa kanilang hanay.

Ito ay makaraang personal na ipaabot kay Partido Reporma presidential candidate Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang mga hinaing ng nasa sektor ng Micro, Small, at Medium-Sized Enterprises (MSMEs).

Layunin ng dalawang beteranong senador na ayusin ang sistema ng pagpapaunlad sa sektor ng Micro Small, Medium Enterprises at maging ang mga magsasaka at mangingisda na pawang nangangailangan ng tulong hindi lamang pinansyal ngunit maging teknikal.


Paliwanag ni Lacson, mahalaga ang paluwagan dahil bukod sa madali ang pagsali ay wala pa itong interest kung saan kinakailangan umanong na maipaunawa sa mga tumatangkilik nito ang ilang mga isyu sa ganitong pamamaraan ng pamamahalang pinansyal.

Dagdag ni Lacson, na dapat ding tulungan ng gobyerno ang mga bangko na nagpapautang sa mga negosyante upang mas lumakas ang ating ekonomiya ngayong bumabangon ang bansa mula sa pandemya.

Giit nina Lacson-Sotto na mangyayari lamang ito kung mawawala ang sobrang regulasyon ng gobyerno na nagpapahirap sa MSMEs, magsasaka at mangingisda na humihingi ng tulong pinansyal sa mga legal na institusyon.

Kabilang na rito ang programa para mapalakas ang kapasidad ng MSMEs at pagbili ng pamahalaan sa 50 porsyento ng ani ng mga magsasaka at pagtatatag ng model food outlet sa Metro Manila.

Facebook Comments