Lacson, tiwalang mababago ang sistema ng pamamahala sa gobyerno

Nananatiling positibo si Partido Reporma standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na maisasagawa niya ang pagbabago sa sistema ng pamamahala sa gobyerno.

Kasunod ito ng mga naglalabasang survey na mabagal ang pag-angat at pagtanggap ng tao sa kaniyang mga isinusulong na reporma.

Sa pakikipag-usap ni Lacson sa mga residente at opisyal ng La Trinidad, Benguet, sinabi nito na hindi dapat magapi ang mga Pilipino ng ‘defeatist mindset’ o negatibong ideya kung saan iniisip na matatalo na agad kahit hindi pa man nagsisimula ang laban.


Nakasanayan na kasi aniya ng mga Pilipino na i-base ang kanilang desisyon sa pagboto sa kung sino ang sikat at may maraming tagasuporta kahit na labag ito sa kanilang sariling mga prinsipyo.

Apela ni Lacson sa publiko, maging matalino sa pagboto dahil nakataya rito ang buhay ng kasalukuyan at darating pang henerasyon ng mga Pilipino.

Tiniyak din ni Lacson na hindi siya aatras sa presidential race at patuloy na makikipaglaban para sa isang kampanya na nakapokus sa mga isyu ng bansa.

Nauna na ring ipinagako ni Lacson na ibabalik nila ng kaniyang runningmate na si Senate President Vicente “Tito” Sotto ang tiwala ng publiko sa gobyerno sa pamamagitan ng mga inilatag nilang reporma.

Facebook Comments