Binasag na ni Drivers United for Mass Progress and Equal Rights o DUMPER Partylist Rep. Claudine Bautista ang kanyang katahimikan matapos makatanggap ng maraming batikos sa publiko at sa ilang celebrities dahil sa kanyang ginanap na kasal kamakailan.
Tinuligsa ng publiko ang kasal ng lady solon na ginanap sa isang mamahaling isla ng Balesin sa Polillo, Quezon at ang magarbo nitong gown na idinesenyo at likha ng renowned Filipino designer na si Michael Cinco.
Inamin ni Bautista na nalulungkot siya sa naging reaksyon ng mga tao sa kanyang kasal na nakaladkad sa usaping politika na dapat sana’y pribado at hiwalay sa kanyang trabaho bilang public official.
Sinabi pa ng kongresista na ang kanilang kasal ay produkto ng mga pagsisikap sa trabaho ng kanyang asawa.
Aniya, nais talaga sana nilang pribado ang kanilang kasal ngunit na-i-post ng kanyang wedding designer na si Cinco ang nasabing event.
Humingi naman na ng paumahin si Cinco sa mambabatas kaugnay sa naging resulta ng kanyang pagpo-post sa social media.
Pero paglilinaw ni Bautista, hindi niya pinabayaan ang sektor ng mga drivers na kanyang kinakatawan sa Kamara tulad ng ibinibintang ng iba at sa katunayan ay nakapag-abot siya ng tulong sa mga drivers, commuters, doctors at nurses sa sarili niyang kapasidad.
Dagdag pa niya, sadyang tahimik lamang siya kung magtrabaho at hinahayaan niyang makita ng mga tao sa kanyang aksyon ang ginagawa niyang pagseserbisyo.