Pinakikilos ni Assistant Majority Leader at Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support (ACT-CIS) Partylist Rep. Niña Taduran ang Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na habulin ang mga nagbebenta ng dexamethasone na walang reseta ng doktor.
Nababahala ang kongresista sa bastang paggamit ng publiko sa dexamethasone laban sa COVID-19 dahil lamang sa kinakitaan ng mga researcher sa United Kingdom na epektibo ang gamot sa mga pasyenteng kritikal ang lagay sa coronavirus disease.
Giit ng Taduran, ang dexamethasone ay isang steroid at kapag walang sakit ang taong gagamit nito ay hihina ang kanyang immune system at mas lalo lamang malalantad sa pagkakasakit.
Paalala ng mambabatas na hindi proteksyon para hindi dapuan ng COVID-19 ang dexamethasone. Ito inirereseta lamang sa mga pasyenteng may inflammation at overactive immune system tulad ng may lupus, arthritis, asthma at matinding allergy.
Wala aniyang pag-aaral na nagpapakita na naging epektibo ang dexamethasone na panlaban sa virus sa mga wala pang sakit o hindi malala ang kaso ng COVID-19.