Laganap na insidente ng road rage na may nasasangkot na may baril, pinapasilip din ng Senado

Pinaiimbestigahan na rin nina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senator Raffy Tulfo ang laganap na insidente ng road rage sa bansa.

Sa Senate Resolution 769 na inihain ng dalawang senador partikular na nais ipasilip sa Senado ang madalas na road rage incident sa bansa kung saan kinasangkutan ito ng paggamit ng baril na naglalagay sa panganib ng buhay ng mga inosente.

Inihain ang nasabing resolusyon matapos ang nangyaring insidente sa kalsada kung saan isang dating police officer ang nagkasa ng baril sa isang siklistang nakasagi sa kanyang sasakyan nang biglang huminto ito habang tinatahak ang bike lane sa may Quezon City.


Tiukoy sa resolusyon ang nakakaalarmang pagtaas sa kaso ng road rage incidents sa bansa na isang banta sa kaligtasan at kapakanan ng mga mamamayan.

Nakasaad din sa resolusyon na mahalagang maaksyunan at malapatan ng epektibong hakbang ang isyu upang matugunan ang problema at matiyak ang kaligtasan ng lahat ng mga motorista, commuters at maging ang pedestrian.

Binibigyang direktiba rin sa resolusyon ang Land Transportation Office (LTO) at iba pang kaukulang tanggapan na magpatupad ng mahigpit na regulasyon at multa kaugnay sa mga road rage incidents na mayroong paggamit ng baril.

Facebook Comments