Isa na lamang Low Pressure Area (LPA) ang bagyong Usman makaraan itong mag-landfall sa bisinidad ng Borongan, Eastern Samar kaninang alas sais ng umaga.
Base sa pinakahuling weather bulletin na inilabas ng PAGASA, huling namataan ang LPA sa bisinidad ng Llorente, Eastern Samar.
Ayon sa PAGASA, asahan pa rin ang malalakas na pag-ulan sa Bicol Region, Calabarzon, Mimaropa at lalawigan ng Aurora.
Mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan naman ang mararanasan sa Metro Manila, nalalabing bahagi ng Central Luzon at Buong Visayas.
Samantala, nakataas ngayon ang yellow rainfall warning sa Southern Quezon. Asahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan na posible pa ring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Dahil dito, nananatiling mapanganib ang paglalayag sa karagatang sakop ng Northern at Central Luzon, Eastern at Western seaboards ng Southern Luzon at eastern seaboards ng Visayas.
Inaasahang ang paglabas ng LPA sa Philippine Area of Responsibility (PAR), Lunes ng umaga.