Manila, Philippines – Lagda na lang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang hinihintay para maging batas na ang 300 percent increase ng monthly old age pension ng mga war veterans.
Ayon kay Senator Gregorio Honasan, may-akda ng Senate Bill no. 1766 o An Act Increasing the Monthly Old-Age Pension of Senior Veterans, inaprubahan ng Kamara at hindi na binago pa ang panukalang batas mula sa Senado.
Dahil dito, hindi na aniya kinailangang dumaan sa bicameral conference committee ng nasabing panukala.
Sa ilalim ng panukalang batas, dadagdagan ng P15,000 mula sa kasalukuyang P5,000 monthly old age pension ang mga beterano noon World War II, Korean War at Vietnam War.
Paglilinaw ni Honasan na ang umento ay para lamang sa mga nabubuhay pang mga beterano.
Mananatili aniyang sa P5,000 ang pensyon ng mga kaanak ng namayapa ng beterano.