LAGPAS TAONG BAHA SA SITIO APLAYA, PANGAPISAN NORTH, LINGAYEN DAHIL SA BAGYONG UWAN, ‘FIRST TIME’ AYON SA MGA RESIDENTE

Sinariwa ng ilang residente sa Sitio Aplaya, Pangapisan North, Lingayen, Pangasinan ang lagpas taong pagbaha na naranasan sa buong lugar, isang linggo matapos manalasa ang Bagyong Uwan.

Ayon sa panayam ng IFM News Dagupan sa isang residente, nagsisigawan sa taranta ang Sitio Aplaya noong madaling araw ng November 10, dahil sa biglaang pagtaas ng tubig na lumamon sa mga kabahayan at sasakyan.

Ngayon lang umano umabot sa ganon kataas ang lebel ng tubig bunsod ng daluyong at hightide, dahilan kaya lahat ng residente ay napilitang iwan ang kani-kanilang mga ari-arian makaligtas lamang mula sa rumaragasang tubig.

Pahayag naman ni Brgy. Kagawad Ulysses Malicdem, sa pangatlong balik ng mini dump truck ng baragay para hakutin ang mga residente, hindi na umano kinaya ng sasakyan kaya bangka na lamang ang kanilang ginamit.

Kinailangan pa umanong ilipat ng evacuation center ang mga residente dahil naabot din ng baha ang paaralan na unang tinuluyan ng mga ito.

Umabot din umano sa apat na araw bago tuluyang humupa ang baha at anim na araw naman bago bumalik ang suplay ng kuryente.

Noong Sabado, nakatanggap na ng relief packs ang mga biktima ngunit hiling pa nila ang patuloy na suporta mula sa gobyerno, partikular ang tulong pinansyal upang makabawi mula sa pagkasira ng kanilang ari-arian.

Tiniyak naman ng barangay council na nakabase sa profiling ng DSWD ang listahan ng mga benepisyaryo ng mga ayuda.

Sa kabila nito, itinuturing pa ring biyaya ng mga residente na walang naitalang casualty mula sa sinapit ng kanilang Sitio.

Facebook Comments