Mataas pa rin ang tubig sa bahagi ng Barangay Diaz sa Bautista dahil sa umapaw na tubig mula sa spillway ng Agno river.
Lampas tuhod hanggang dibdib pa umano ang tubig sa daanan na ito ayon sa ilang residente.
Naabutan rin namin ang mga ito na naglilinis ng makinaryang ginagamit nila sa pagtatanim dahil sa dumaloy na tubig baha.
Bagaman bahagya na umano itong humupa ay pansin pa rin ang lalim ng tubig maging sa mga sakahan.
Bukod sa naapektuhan ng baha ay nanakaw pa umano ang ilan sa kanilang alagang hayop.
Mayroon din pansamantalang ginagamit na tulay ang mga residente upang makatawid at hindi na lumusong pa sa tubig.
Hinala ng ilang residente na baka may nasira umanong dike sa bahagi ng Alcala kaya dumaloy sa kanilang lugar ang tubig.
Ngunit nilinaw naman ng Alcala MDRRMO na walang nasirang dike, ayon sa kanilang kasalukuyang pagmo-monitor.
Samantala, maigi rin na binabantayan ang ilog sa barangay at pinagbabawalan ang mga residente lalo ang mga bata na maligo at lumangoy sa ilog upang maiwasan ang insidente ng pagkalunod.
Samantala, bilang paghahanda bago ang pagpapakawala ng San Roque Dam, inalerto na ang mga BDRRMC sa mga barangay ng Vacante, Pogo,Poponto, at Sitio Namulaan Sur at Norte sa Barangay Diaz bilang mga kritikal na lugar na malapit sa dike at Agno River. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









