Nakapagtala ang lalawigan ng Laguna ng mahigit 2,000 na mga kaso ng dengue mula noong Enero ng taong kasalukuyan.
Sa isang panayam, kinumpirma ni Dr. Rene Bagamasbad ang Provincial Health Officer ng Laguna na aabot na sa 2,255 ang kabuuang kaso ng sakit mula noong Enero hanggang Hulyo 14.
Ayon kay Dr. Bagamasbad, huling tumaas ang bilang ng mga kaso ng dengue sa lalawigan noong 2019 kung saan nagdeklara rin ng outbreak matapos umabot sa mahigit 21,000 ang kabuuang kaso.
Sa ngayon aniya ay nakikita na nila na tumataas ulit ang bilang ng mga tinatamaan ng dengue sa Laguna.
Kasunod nito, hiniling ni Dr. Bagamasbad sa mga opisyal ng barangay na linisin ang kanilang paligid at tumulong na sirain ang anumang mga lugar ng pag-aanak ng lamok.
Dagdag pa ni Dr. Bagamasbad, mahigpit ding ipatupad sa mga residente ang ‘4S Strategy’ kontra sa dengue.
Una na ring hinimok ng Department of Health (DOH) ang publiko na magpakonsulta kaagad sa oras na makaramdam ng sintomas ng nasabing sakit.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, karamihan kasi sa mga nao-ospital dahil sa dengue ay nasa late stage na ng sakit.
Sa ngayon ay pumalo na sa mahigit 65,000 ang kaso ng dengue sa buong bansa mula Enero hanggang Julyo 2.