Nakumpleto na ng Department of Science and Technology (DOST) ang clinical trial ng lagundi para sa mga mild COVID-19 patient.
Ayon kay DOST Secretary Fortunato Dela Peña, sa inisyal na report ng kanilang project team, kalahati ng 278 indibidwal na binigyan ng lagundi ay mas mabilis na bumalik ang pang-amoy.
Mas unang nawala ng mga sintomas ng COVID-19 at pare-parehong gumaling sa loob ng pito hanggang walong araw.
“Ginagawa na nila ang analysis. Ang mga una pong nai-report ng ating Project Team na pinangungunahan ni Dr. Cecile Malazarte – una, lahat sila ay gumaling ano. Kasi iyon pong ating participants hinati sa dalawa: iyong isa ay iyon ang binigyan ng Lagundi; iyong isa, iyon ang binigyan ng tinatawag na placebo o walang lamang lagundi ano,” ani Dela Peña.
Sabi pa ni Dela Peña, kapag naging maganda ang project analysis sa lagundi, inaasahang irerekomenda ito ng Department of Health (DOH) na magamit sa mga pasyenteng may mild cases at pwedeng ituloy ang trial para naman sa may moderate case.