Tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na palaging ikinokonsidera ng pamahalaan ang maraming aspeto ng ekonomiya bago gumagawa ng desisyon hinggil sa pagpapahintulot sa pagbubukas ng mga negosyo at industriyang naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ito ang tugon ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga kritisismong dapat unahin ng pamahalaan ang maghatid ng pagkain sa mga nagugutom sa halip na buksan ang mga sinehan at iba pang leisure activities.
Ayon kay Nograles, hindi kinalilimutan ng pamahalaan ang hunger issues.
Ang pagpapahintulot aniya sa sinehan ay makatutulong sa ilan lalo na ang mga nawalan ng trabaho ngayong pandemya.
Punto pa ni Nograles, ang mga isinarang industriya ay mayroon ding mga manggagawang umaasa.
Mayroong Task Force on Food Security at Zero Hunger ang nakatutok sa matagal ng problema ng bansa.
Iginiit din ni Nograles na hindi lamang ang Pilipinas ang nahaharap sa mga hamon sa ekonomiya dahil sa pandemya.