Lahat ng COVID-19 vaccine, dapat i-release na sa LGU

Iginiit ni Senator Nancy Binay sa Department of Health (DOH) na madaliin ang pag-release ng lahat ng COVID-19 vaccines na naka-imbak sa government storage facilities.

Ayon kay Binay, ito ay para matugunan ang malaking bilang ng kasama sa A4 category na nais magpabakuna.

Hindi katanggap-tanggap para kay Binay na mayroong mga vaccination sites sa Metro Manila ang nagsara na dahil sa kawalan ng COVID-19 vaccine.


Giit ni Binay, sa pagkaantala ng bakuna na mailabas sa warehouse at makarating sa tao ay may buhay na nakokompromiso.

Dismayado si Binay na halos 6 milyon pa lang ang nababakunahan sa bansa gayong nasa 9.3 million COVID-19 vaccines ang nakaimbak at hindi pa kasama rito ang kakarating pa lang na 2 milyong doses ng Pfizer at tig-1 milyong doses ng Sinovac at Sputnik.

Binigyang diin ni Binay na lahat tayo ay gustong maging maayos na at manumbalik na ang ekonomiya pero hindi ito makakamit kung mananatiling mabagal ang pag-deliver sa Local Government Unit (LGU) ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments