Pinapasauli na ng House of Representatives sa mga miyembro nitong mambabatas ang lahat ng “expired” na protocol plates na 8 na inisyu noong nakalipas na mga Kongreso.
Ang nabanggit na direktiba ay nakapaloob sa memorandum na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco matapos na mahuling dumaan sa EDSA Busway ang isang behikulo na may plakang 8.
Hinikayat din ni Velasco ang Land Transportation Office o LTO at Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na hulihin ang mga driver ng mga sasakyang gumagamit ng otsong plaka na mga expired o huwad.
Ayon kay Velasco, magpapalabas ang Kamara ng official protocol plates na awtorisado ng LTO.
Kaugnay nito ay sinabi ni Velasco na makikipag-ugnayan ang Kamara sa LTO at MMDA para malinawan ang patakaran sa paggamit ng protocol plates upang matiyak na tatalima rito ang mga kongresista.