Lahat ng kumpanya sa pribadong sektor, hindi dapat hadlangan na bumili ng COVID-19 vaccine

Kinastigo ni Senator Joel Villanueva ang mungkahi na huwag isama ang ilang mga kumpanya sa vaccine procurement program ng gobyerno.

Ang tinutukoy ni Villanueva ay ang Section 5 ng draft Administrative Order ng Department of Health (DOH) kung saan nakasaad na sisiguraduhin nito at ng National Task Force (NTF) na hindi magiging kabilang sa mga kasunduan sa pagbili ng bakuna ang mga kumpanya sa tobacco industry, mga gumagawa ng produkto sa ilalim ng Milk Code at iba pang industriya na masasabing “in conflict with public health.”

Giit ni Villanueva, hindi tugma ang naturang probisyon sa ating layunin na bakunahan ang lahat ng mamamayan para makabalik na sa trabaho ang mga manggagawa nang walang takot na mahahawa sa sakit.


Ayon kay Villanueva, wala dapat diskriminasyon at hindi dapat pigilan ang mga pribadong kumpanya na bakunahan ang kanilang mga empleyado nang libre.

“Bakit po tila may diskriminasyon sa mga industriyang ito? Hindi naman po sila humihingi ng subsidiya. Lehitimong mga negosyo ito na maraming manggagawa. Kung nais nilang bakunahan ang kanilang empleyado nang libre, bakit po natin sila pipigilan?” sabi ni Sen. Villanueva.

“Dapat pong payagan ng gobyerno ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor ng walang balakid o diskriminasyon,” ani Villanueva.

Umaasa si Villanueva na rerepasuhin ng DOH ang kanilang Administrative Order at tatanggalin ang anumang probisyon na magpapabagal sa rollout ng bakuna.

Facebook Comments