Nakalaya na ang lahat ng mga magsasaka, estudyante, mamamahayag at advocates na hinuli sa Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac noong Huwebes.
Ayon sa abogado ng mga inaresto na si Atty. Jobert Pahilga, kagabi nang makalaya silang lahat kasunod ng inilabas na release order ni Presiding Judge Antonio Pangan.
Nabatid na inaresto ang mga ito matapos na ireklamo ng isang kooperatiba ang ginawa nilang land cultivation activity o pagbubungkal ng lupa na nagresulta umano ng pagkasira ng kanilang tubuhan.
Samantala, inaprubahan din ng husgado ang inihain nilang petition for reduction of bail kung saan mula sa orihinal na P36,000 ay ginawang P12,000 na lamang ang piyansa ng bawat isang inaresto.
Umabot sa 100 ang mga inaresto kung saan 83 sa mga ito ang kinasuhan.
Itinakda naman sa Biyernes ang arraignment sa mga kasong malicious mischief at illegal assembly laban sa 83 hinuli.
“Magkakaroon po kami ng hearing sa Friday, arraignment at free trial nila,” ani Pahilga.
“Pero kami mga abogado ay mag-uusap mamaya because we will be filing a motion to quash information and to dismiss the case. Unang-una may agrarian dispute ho dito na pino-point out namin sa prosecutor while he was conducting an inquest proceeding pero binalewala niya ho ‘yon. Ang mga magsasaka kasi ang may titulo hindi yung kooperatiba. So, ipapa-dismiss agad namin yung kaso,” giit pa ng abogado.