Lahat ng MSMEs, iginiit na dapat maisama sa wage subsidy

Umapela si Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera na isama ang lahat ng mga manggagawa sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) sa mabibigyan ng ayuda ng gobyerno ngayong may COVID-19.

Giit ni Herrera, mahigit 5.7 Million ang lahat ng mga workers na nabibilang sa MSMEs.

Pero nabahala ang kongresista dahil sa pahayag ng Department of Finance (DOF), nasa 3.4 Million na mga empleyado ng MSMEs lamang ang makakapag-avail ng Small Business Wage Subsidy Program ng pamahalaan.


Tinukoy ni Herrera na ang bilang ng DOF ay 60% lamang ng 5.714 Million MSMEs workers sa buong bansa, batay iyan sa 2018 Philippine Statistics Authority (PSA).

Inaalala nito kung ano ang mangyayari sa natitirang 40% o 2.28 Million na mga manggagawa sa MSMEs na hindi kasali sa wage subsidy program.

Ipinipilit ngayon ng lady solon na gawan ng paraan ng gobyerno na mabigyan ng tulong ang lahat ng MSMEs sa bansa upang maiwasan ang pagkawala ng trabaho at mabigyan ng pantustos ang mga manggagawa sa mga maliliit na negosyo sa kabila ng pandemic.

Facebook Comments