Obligadong magprisinta ng COVID-19 vaccination card ang lahat ng papasok sa Batasan Complex sa July 24 na syang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Base sa Memorandum na inilabas ni House Secretary General Reginald Velasco, ang walang vaccination card ay kailangang magprisinta ng negative RT-PCR test na kinuha sa loob ng 48 oras bago ang SONA na gagawin ganap na alas-kwatro ng hapon.
Nakasaad din sa Memorandum na optional na lamang ang pagsusuot ng face mask pero dapat dumaan sa temperature check ang lahat ng papasok sa alinmang gusali ng Kamara.
Sang-ayon sa patakaran, ang makakapasok lang sa plenaryo pagsapit ng alas dos ng hapon sa July 24 ay ang mga guest na mayroong SONA invitation at seat card.
Mahigpit ding magpapatupad ng “NO SONA 2023 Car Pass, No Entry” policy at isasara ang lahat ng gate sa Batasan Complex pagsapit ng alas-3 ng hapon o pagdating ng Pangulong Marcos sa lugar.
Maari lamang dumaan sa South gate ng Batasan Pambansa ang mga sasakyan na may kulay beige, violet, at asul na car pass habang sa North gate naman ang iba.