Lakas-CMD, iginiit na walang ebidensya na magsasangkot kay Speaker Romualdez sa korapsyon

Iginiit ng Lakas–Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na walang ebidensyang nag-uugnay kay dating House Speaker Martin Romualdez sa flood control projects scandal at umano’y budget insertions.

Pahayag ito ng partido kasunod ng video na inilabas ni dating Congressman Elizaldy Co, kung saan idinadawit sina Romualdez at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa umano’y budget insertions at pagkuha ng bilyon-bilyong kickback.

Sa statement na pirmado ng mga opisyal ng Lakas-CMD, binigyang-diin na hindi maaaring haka-haka at ingay ang gawing batayan ng anumang alegasyon laban kay Romualdez.

Nakasaad pa rito na patuloy na pinamumunuan ni Romualdez ang Lakas-CMD nang may dignidad, katatagan, at commitment sa paglilingkod sa publiko.

Tiniyak din ng partido na mananatili itong nagkakaisa at matatag sa pagsuporta kay Romualdez, na pinaniniwalaan nilang nasa panig ng tama.

Facebook Comments