Lumagda sa isang manifesto ang mga miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) para ipakita kanilang patuloy na suporta kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na inaatake kaugnay ng People’s Initiative.
Ang Lakas-CMD ang pinakamalaking political party sa Mababang Kapulungan na binubuo ng mahigit 300 mambabatas at mayroon itong 94 na miyembro sa House of Representatives sa kasalukuyan.
Binigyan diin sa manifesto ang malaking napagtagumpayan ng Kamara sa ilalim ng liderato ni Romualdez kung saan napagtibay ang mga panukalang batas para mapalago ang ekonomiya, makalikha ng trabaho at mapagbuti ang pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa katunayan, natapos na ng Kamara ang 100% ng mga panukala na hiniling ipasa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) ng ilang buwang mas maaga kaysa itinakdang iskedyul.
Nakasaad din sa manifesto ang intensyon ng Lakas-CMD stalwarts na iangat ang estado ng ekonomiya ng bansa sa pamamagitan ng pagsusulong ng kinakailangan at matagal nang hinahangad na pagsasaayos sa Saligang Batas.