Tiniyak ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr., na hindi sinusuportahan ng partidong LAKAS-CMD ang mga umuugong na destabilisasyon laban kay Pangulong Bongbong Marcos.
Ayon kay Revilla, Chairman ng nasabing partido, tiwala siyang hindi uusad ang pinalulutang na ouster plot laban sa pangulo at wala rin siyang nakikitang dahilan para mapatalsik sa pwesto ang presidente.
Giit ng mambabatas na hindi ito ang panahon para sila ay mag-away at magkatampuhan kundi dapat pa nga sila ay magkaisa at magtulung-tulong lalo pa’t marami na tayong kinakaharap na problema.
Ipinasasantabi ng senador sa mga kasamahang mambabatas sa Kamara na kung anuman ang conflict o hindi pagkakaunawaan ay isantabi muna at unahing tugunan ang mga tunay na problema ng bansa.
Tumanggi naman si Revilla na magkomento tungkol sa tanong na kung may kinalaman ba sa bangayan sa liderato ng Kamara ang lumulutang ngayon na destabilization plot laban sa pangulo.