Muling inilunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Ilocos Region ang programang “Lakbay Alalay” upang matiyak ang mas ligtas at maayos na biyahe ng mga motorista ngayong holiday season.
Ipinatutupad ang travel assistance program mula Disyembre 23, 2025 hanggang Enero 3, 2026, kasabay ng inaasahang pagdami ng sasakyan sa mga pangunahing lansangan patungo sa mga lalawigan at tourist destinations sa rehiyon.
Bilang bahagi ng inisyatibo, maglalagay ang DPWH ng composite teams sa 34 na strategic locations sa ilalim ng mga District Engineering Offices.
Ang bawat Lakbay Alalay station ay may nakahandang tauhan, service vehicles, mga kagamitan, at communication equipment para magbigay ng agarang tulong tulad ng minor vehicle repairs, pagpapalit ng gulong, battery jumpstart, emergency response, road clearing, at pagbibigay ng travel guidance sa mga biyahero.









