Kasado na ang Lakbay Alalay Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa darating na Undas.
Magsisimula ang Lakbay Alalay ng ahensiya bukas, araw ng Huwebes, October 31, 2019 na tatagal naman hanggang Lunes, November 4.
Inatasan ni Secretary Mark Villar, ang lahat ng regional at district engineering offices ng DPWH sa bansa na magbuo ng mga teams na buong araw na tututok sa mga national highways na patungo sa mga simbahan at sementeryo.
Isa sa mga tututukan sa ‘Lakbay-Alalay’ Program ay ang pagbibigay ayuda sa mga motorista, partikular dito ang mabilis na responde sa mga nasiraang sasakyan.
Kasama din ang pagbibigay ng agarang tulong tulad ng first aid kapag may emergency situation at pag-asiste sa mga motorista na hindi kabisado ang daan patungo sa kanilang pupuntahan.
Bago pa man sumapit ang Undas ay nagpakalat na ang DPWH ng kanilang mga tauhan at maintenance team para matiyak na walang magiging problema sa mga national road at naglagay na din sila ng mga directional signs.
Nakikipag-ugnayan din ang DPWH sa Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP), at Local Government Units (LGUs) para sa anumang tulong na kanilang kakailanganin sa araw ng Undas.