LALAGDAAN NA? | 2018 national budget at tax reform, isasabatas na ni P-Duterte

Manila, Philippines – Nakatakdang lagdaan ngayong araw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang naipasang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) at ang 2018 national budget o ang general appropriations act of 2018.

Batay sa official schedule ni Pangulong Duterte, sisimulan ang seremonya mamayang pasado 3:00 ng hapon kung saan inaasahan na dadalo ang mga senador at mga kongresista pati ang iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan.

Matatandaan na nahirapang magkasundo ang Senado at ang Kamara sa pagratipika ng 3.767 trillion pesos na budget dahil sa pagtapyas ng senado sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP).


Sa pamamagitan naman ng tax reform ng administrasyon ay tataas ang tax exemption ng mga mangagagawa ibig sabihin, hindi na magbabayad ng buwis ang mga empleyadong nakatatanggap ng 250 libong pisong sweldo pababa kada taon.

Pero tataas naman ang excise tax ng mga lahat ng produktong petrolyo, sweetened products, and cosmetic procedures at mga sasakyan.

Hindi pa naman inilalabas ng Malacañang kung ginamit ba ni Pangulong Duterte ang kanyang veto power para tanggalin ang isa o ilang probisyon ng 2018 national budget.

Facebook Comments