LALAKI, ARESTADO DAHIL SA ILLEGAL NA DROGA SA DAGUPAN CITY

Arestado ang isang lalaking construction worker at residente ng San Jacinto, Pangasinan matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa Dagupan City.

Ayon sa ulat ng Police Station 1, nagsasagawa ng routine patrol ang kanilang mga tauhan sa lugar nang mapansin nila ang isang kahina-hinalang lalaki. Nang kanilang lapitan para sa beripikasyon, bigla umanong itinapon ng suspek ang isang nakatiklop na puting papel sa lupa.

Napansin ng mga pulis na may maliit na transparent plastic sachet sa loob nito na naglalaman ng puting kristal na substance na hinihinalang shabu.

Agad na inaresto ang lalaki at isinailalim sa lawful body search. Dito ay natuklasan ang isa pang transparent plastic sachet na may kahalintulad na substance.

Narekober mula sa kanya ang 2.5 gramo ng hinihinalang shabu na may Street Drug Price (SDP) na 17,000 pesos at iba pang ebidensya.

Ang suspek ay nasa kustodiya na ng Police Station 1 habang inihahanda ang mga kasong isasampa laban sa kanya.

Facebook Comments