Manila, Philippines – Kalaboso ang isang lalaki sa bisa ng warrant of arrest matapos itong sampahan ng reklamo dahil sa pambubugbog ng menor de edad.
2015 pa nang maganap ang insidente ng pambubugbog ngunit dahil hindi nakipag-ayos ang suspek na si Jessfer Unay, ay itinuloy ng ina ng biktima na si Marilou Asis ang kaso laban dito.
Matapos dumalo si Unay sa tatlong hearing ay hindi na ulit ito sumipot sa mga subpoena, kaya naman nagkaroon na ito ng warrant of arrest.
Ayon kay Asis, wala nang malay ang kanyang anak nang dalhin sa kanilang bahay sa gabi ng pambubugbog. Sa tulong lamang ng mga doktor sa East Avenue Medical Center kaya muling nagkaroon ng malay ang kanyang anak.
Kwento pa umano ng biktima, pinukpok siya ng baril ng mga nambugbog sa kanya.
Depensa naman ni Unay, hinahanap niya lamang ang kanyang menor de edad na anak at nagpasama siya sa kanyang kinakapatid at pinsan nito. Napag-alaman kasi ni Unay na kasama nito ang kanyang boyfriend nang dis oras ng gabi.
Nang mahanap na ni Unay ang anak, pinagsabihan niya ito at kasabay nito bigla na lamang binugbog ng kanyang mga kasama ang binata.
Huli na lamang ng malaman ni Unay na mayroon palang alitan ang mga kasama at ang biktima.
Habang dinidinig ang kaso, idiniin ng mga nambugbog na sina Leon Barcibal at Jemhan Forcadilla si Unay na siya umanong nag-utos para bugbugin ang biktima na mariin namang itinanggi ng suspek.
Sa ngayon, desidido si Asis na ituloy ang kaso laban kay Unay dahil nagmamatigas umano ito at hindi pa rin humihingi ng tawad.