Friday, January 30, 2026

LALAKI ARESTADO, DALAWANG BARIL NASAMSAM SA OPERASYON NG PULIS SA URDANETA CITY

Isang 45-anyos na lalaki ang inaresto ng mga awtoridad matapos makumpiskahan ng dalawang baril sa isinagawang pagpapatupad ng search warrant ng Urdaneta City Police Station (CPS), kahapon.

Ayon sa ulat ng pulisya, nagsimula ang operasyon dakong alas-5:33 ng umaga sa Urdaneta City.

Kinilala ang suspek na isang construction worker, at residente ng naturang lungsod, na lumabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa isinagawang paghahalughog, nasamsam ng mga pulis ang isang maliit na baril na hindi matukoy ang kalibre at walang serial number na may nakakabit na magazine, isang improvised shotgun, at apat na piraso ng live ammunition ng 12-gauge.

Agad na isinagawa ang imbentaryo at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at ng mga itinalagang mandatory witnesses, alinsunod sa itinatakda ng batas.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at sasampahan ng kaukulang kaso kaugnay ng ilegal na pag-iingat ng baril at bala.

Facebook Comments