LALAKI, ARESTADO MATAPOS GAMITIN SA SCAM ANG CELLPHONE NA NINAKAW NITO

Cauayan City – Sa kulungan ang bagsak ng isang binata matapos nitong magnakaw ng ilang kagamitan sa isang bahay sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, at gamitin sa pang i-scam ang cellphone na tinangay nito.

Sa nakuhang impormasyon ng IFM News Team sa Cauayan City Police Station, una rito ay nilooban ng suspek na si alyas “Pedro” ang isang bahay sa nabanggit na lugar kung saan tinangay nito ang isang bag na mayroong lamang gold necklace at relo, at dalawang cellphone.

Dahil naiwang naka-logged in ang social media account ng biktima sa natangay na cellphone, sinamantala ito ng suspek upang hingan ng pera ang anak ng biktima at idinahilang ipambibili ito ng gamot kaya naman kaagad rin itong nagpadala P1000 sa pamamagitan ng e-wallet.


Sa ikalawang pagkakataon ay sinubukan muli manghingi ng suspek ng karagdagang P1200 sa anak ng biktima subalit nalaman na nito na ninakaw ang cellphone ng kanyang ina kaya naman kaagad itong humingi ng tulong sa awtoridad.

Dito nga ay plinano na magsagawa ng entrapment operation, at bilang parte ng operasyon ay ibinigay nila ang hinihingi ng suspek, ngunit nang muli nitong mag cash out sa tindahan na pinagpadalhan ng pera ay dito na ito nadakip ng mga awtoridad.

Facebook Comments