Isang 29-anyos na lalake ang inaresto ng pulisya matapos umanong magnakaw sa isang clothing store na nasa loob ng isang mall sa bayan ng Rosales noong Lunes ng hapon, Disyembre 22.
Ayon sa ulat ng Rosales Police Station, isang supervisor ng isang clothing brand ang nag-report ng insidente ng pagnanakaw na agad naman nirespondehan ng mga pulis sa lugar.
Base sa imbestigasyon, tumunog umano ang sensor alarm sa exit gate ng establisyemento nang dumaan ang suspek dahilan upang puntahan ito ng security guard. Nang tanungin kung may biniling produkto, sinabi umano ng suspek na wala.
Gayunman, muling tumunog ang alarm nang tangkain muli nitong dumaan sa sensor gate. Ipinakita ng suspek ang isang RFID tag ngunit hindi siya nakapagpakita ng resibo.
Dahil dito, dinala ang suspek sa opisina ng manager kung saan kusang-loob niyang inilabas ang ilang produkto na umano’y kanyang tinangay.
Sa isinagawang body search, narekober pa ang ilang item mula sa kanyang pantalon.
Ayon sa ulat, umaabot sa labindalawang piraso ng iba’t ibang produkto ang narekober na may kabuuang halagang ₱13,980.
Dinala ang suspek at ang mga ebidensiya sa Rosales Police Station para sa wastong pagproseso at disposisyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









