LALAKI, ARESTADO MATAPOS MANUTOK NG BARIL SA SECURITY GUARD SA DAGUPAN CITY

Arestado ang isang 49-anyos na lalaki matapos mahuli sa aktong nagbabaklas ng motor parts sa isang motor na nakaparada sa Brgy. Herrero-Perez, Dagupan City.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nahuli mismo ng may-ari ng motor, na isang security guard, ang suspek habang nagsasagawa ito ng pagnanakaw. Nang sitahin ang lalaki, bigla itong humugot ng kalibre .38 na baril at itinutok sa biktima.

Sa kabila ng banta, nagawang madisarmahan ng security guard ang suspek sa tulong ng kanyang katrabaho. Nakumpiska mula sa suspek ang nasabing baril na may dalawang bala, mga kagamitan sa pagbabaklas, at mga susi na hinihinalang ginagamit sa pagnanakaw.

Agad na inaresto ang suspek at na-turn over sa kapulisan. Nahaharap ito ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, pati na rin sa kasong theft. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung sangkot ang suspek sa iba pang insidente ng nakawan sa lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments