Dahil sa paglabag sa extended Enhanced Community Quarantine (ECQ), inaresto ng Quezon City Police District ang tatlong lalaki.
Isa sa mga ito ay nakuhanan pa ng shabu na itinago sa suot niyang face mask.
Kinilala ni QCPD Director Police Brigadier General Ronnie Montejo ang mga arestado na sina Larry Diaz, 41, miyembro ng Batang City Jail; Wengelyn Galvajar, 25 ng Brgy. Alabang Muntinlupa; at Sonny Manzano, 29, Brgy. Gaya-gaya, San Jose Delmonte, Bulacan.
Magkakaangkas sa motorsiklo ang tatlo nang sitahin ng otoridad sa checkpoint sa Aurora Blvd. Cor Aguinaldo Ave., Brgy. Soccoro, Cubao Quezon City dahil sa nilalabag ang social or physical distancing
Dinala sa Cubao Police Station ang tatlo at nang pinatatanggal kay Diaz ang suot niyang face mask para maayos siyang makausap, aligaga na umano ito.
Nang mapansin ng mga pulis na may plastic na umuusli, dito na tinanggal ang face mask kung saan tumambad ang nakatagong dalawang sachet ng hinihinalang shabu.
Patong-patong na kaso ang kakaharapin ng tatlo, kabilang na rito ang paglabag sa Sec. 9 (E) ng Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern, paglabag sa RA 10054 o ang Motorcycle Helmet Act at paglabag sa RA 9165.