
Inaresto ng pulisya ang isang 22 anyos na lalaki matapos umanong magnakaw ng cellphone sa loob ng isang bar sa Baywalk area sa Lingayen, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente, madaling araw sa loob ng isang Bar. Agad itong nai-report at nirespondehan ng mga awtoridad.
Kinilala ang biktima bilang isang 29 anyos na lalaki na nagtatrabaho bilang virtual assistant at residente ng Lingayen. Samantala, ang suspek na naaresto ay isang 22 anyos na lalaki at residente rin ng nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, lumabas na nagtungo ang biktima kasama ang kanyang kaibigan sa naturang establisimyento upang maglibang. Iniwan umano niya ang kanyang cellphone sa mesa habang siya ay pansamantalang umalis. Ngunit pagbalik niya ay nawawala na ito.
Isang waitress ng bar ang nagsabing nakita niya ang suspek na kumuha ng cellphone mula sa mesa ng biktima, ngunit inakala niyang pag-aari ito ng suspek kaya hindi niya agad pinansin.
Nang komprontahin ng biktima ang suspek, itinanggi nito ang paratang, dahilan upang humingi ng tulong sa pulisya ang biktima.
Pagdating ng mga rumespondeng pulis, narekober mula sa suspek ang ninakaw na cellphone. Dahil dito, agad siyang inaresto.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Lingayen Police Station ang suspek para sa kaukulang disposisyon at pagsasampa ng kaso. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










