Lalaki, Arestado sa Pagnanakaw sa 2 Tindahan

Cauayan City, Isabela- Tuluyang naaresto ng mga alagad ng batas ang isang lalaki na nagnakaw sa tindahan sa San Jose, Baggao, Cagayan.

Kinilala ang mga biktima na may-ari ng tindahan na sina Maricel Venus, 34 anyos, walang asawa, residente ng Zone 5, San Jose, Baggao, Cagayan at Mayolin Domingo, 37 anyos, may-asawa, residente naman ng Zone 3, San Jose ng naturang bayan.

Habang ang suspek ay nakilalang si Rosel Simbahon, 30 anyos, walang asawa, warehouse boy, tubong Sta Cruz Poblacion, Capatagan, Lanao Del Norte at pansamantalang naninirahan sa Zone 5, San Jose, Baggao.


Batay sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas 7:00 ng umaga, Hunyo 14, 2020 nang madiskubre ni Maricel na niransack ng kawatan ang kanyang tindahan na kung saan ay natangay ang kanyang perang mahigit kumulang Php5,000.00 at mga panindang good items.

Sa pagresponde ng mga otoridad ay narekober din sa tindahan ang maraming klase ng susi na posibleng naiwan ng suspek at kinumpirma naman ito ng tinutuluyang warehouse ng suspek na pagmamay-ari nito ang nakitang mga susi.

Dito na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakahuli ng suspek.

Nabawi mula sa pag-iingat ng suspek ang mga ninakaw na dalawang (2) unit ng cellphone, isang (1) gold na relo, isang (1) pares ng gintong hikaw, dalawang (2) magkakaibang hikaw na pagmamay-ari ni Mayolin Domingo.

Narekober din sa pag-iingat ng suspek ang magkakaibang denominasyon ng pera.

Inihahanda na ng pulisya ang kasong robbery na isasampa laban sa suspek.

Facebook Comments