Arestado ang isang 30-anyos na lalaki matapos umanong magnakaw ng pera at personal na gamit ng isang head chef sa loob ng isang resort sa Agoo, La Union noong Lunes, Nobyembre 10.
Dakong 6:20 PM nang tumugon ang Agoo Police Station sa ulat ng pagnanakaw.
Lumalabas sa imbestigasyon na bandang 12:00 NN, nagtungo ang biktima, 40 taong gulang, at kasama nitong helper ng resort sa Agoo Civic Center upang mag-charge ng cellphone.
Pagbalik ng mga ito bandang 4:35 PM, agad napansin ng biktima na suot ng suspek ang kanyang shorts.
Dito na naghinala ang biktima at mabilis na tumungo sa silid nito, kung saan tumambad ang nagkalat na gamit at ang pagkawala ng pouch nito na may lamang humigit-kumulang ₱17,500.
Agad nitong inutusan ang isa pang kasamahan sa resort, 26-anyos na maintenance staff, upang habulin ang suspek.
Nasundan at nahuli nito ang lalaki at nabawi ang wallet ng biktima.
Dinala ng barangay official ang suspek sa Agoo Police Station para sa pormal na imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.









