Lalaki, binaril ang 2 binatilyong nagtanong lang kung gaano siya katangkad

SOUTH CHICAGO – Arestado noong Miyerkules ang isang lalaki matapos maakusahan ng pamamaril sa dalawang kabataang nagtanong lang kung gaano siya katangkad.

Ayon sa ABC News, patay ang mga biktimang sina Jasean Francis, 17, at Charles Riley, 16, nang paputukan ng bala ng suspek na si Laroy Battle noong Hunyo 20.

Sa imbestigasyon ng Chicago Police Department, bumibili noon ng candy si Battle sa isang tindahan nang makita siya ng mga biktima at nagkomento tungkol sa kanyang taas.


Nais daw kasi nilang maging ganoon katangkad kaya siya tinanong ng mga kabataan.

Matapos daw aminin ng suspek ang kanyang 6’3 na taas, sinundan nito ang mga biktima saka nagpaulan ng bala.

Tinamaan sa likod, dibdib at kaliwang kamay si Francis habang nagtamo ng tama sa likod at kaliwang binti si Riley.

Naisugod pa raw ang dalawa sa University of Chicago Medical Center ngunit idineklarang patay kinalaunan.

Samantala, nakaligtas naman sa kamatayan ang isa pang kasama ng mga biktima.

Dinakip si Battle sa isang motel nang makumpirma ng awtoridad na siya ang suspek matapos kilalanin ng mga residente sa lugar dahil sa kuha ng CCTV footage.

Humaharap sa reklamong first-degree murder with two counts si Battle na nasa kustodiya na ng pulisya.

Facebook Comments