LALAKI, DALAWANG BESES TINAGA SA ULO NG KATRABAHO SA ISANG POULTRY FARM SA SUAL

Sugat sa ulo at pasa sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng isang lalaki matapos ang kaguluhan na sumiklab sa isang poultry compound sa Barangay Capantolan, Sual, Pangasinan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, naging mainit ang pagtatalo ng biktima, suspek at ilang kasamahan habang nag-iinuman sa loob ng compound.

Nauwi ito sa gulo, kung saan sinapol ng suspek sa noo ang isa sa kasamahan gamit ang bakal na tubo.

Matapos nito, kinuha umano ng suspek ang isang itak at pinagtataga ang isa sa mga kasamahan nang dalawang beses sa ulo.

Nagtamo ng iba’t ibang sugat sa katawan ang biktima, gayundin ang suspek na pinigilan ng mga kasamahan.

Agad na dinala sa pagamutan ang lahat ng sangkot sa insidente.

Narekober naman ng mga rumespondeng pulis ang ginamit na patalim sa pinangyarihan ng insidente.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Sual Municipal Police Station ang suspek habang patuloy namang nagpapagaling ang biktima.

Facebook Comments