
Dalawang beses umanong ninakawan ng mga kambing ang isang 67-anyos na lalaki sa Alcala, Pangasinan, batay sa ulat na inihain sa mga awtoridad.
Ayon sa paunang imbestigasyon, unang naganap ang umano’y pagnanakaw noong Disyembre 11, 2025 bandang alas-10 ng gabi.
Huli umanong nakita ng biktima ang mga kambing nito bandang alas-9 ng gabi sa loob ng kulungan na matatagpuan sa tabi ng kanyang kubo sa palayan, bago umuwi sa kanyang bahay na may layong humigit-kumulang 600 metro upang kumain at manood ng balita.
Pagbalik nito bandang alas-10 ng gabi upang matulog, napansin nitong nawawala ang tatlong kambing at bukas ang pinto ng kulungan.
Muling iniulat ng biktima na nagkaroon ng kahalintulad na insidente noong Disyembre 15, 2025.
Bandang alas-4 ng umaga ay sinuri pa nito ang mga kambing at nakitang naroon pa ang mga ito bago umalis upang magsimba.
Subalit pagbalik nito bandang alas-7 ng umaga, nadiskubre nitong nawawala naman ang dalawa pang kambing at muli ring bukas ang pinto ng kulungan.
Sinikap umanong hanapin ng biktima ang mga nawawalang kambing ngunit hindi nagtagumpay.
Gayunman, bandang tanghali ng parehong araw, napansin na ang isa sa mga kambing na nawawala noong Disyembre 15 ay muling bumalik sa kawan na nakasilong sa ilalim ng puno.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad tungkol sa ulat ng pagnanakaw. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









