Lalaki, dinuraan ng pagkain ang bibig ng babaeng nakaalitan sa kalsada

Arestado ang isang lalaki matapos umanong idura ang nginunguyang pagkain sa bibig ng babaeng nakaalitan sa kalsada sa Florida, US noong nakaraang buwan.

Nangyari ang insidente noong lapitan ni David Wipperman, 61, ang hindi pinangalanang babaeng nagmamaneho malapit sa kanya bandang 6 p.m noong Okt. 29.

Hindi malinaw kung saan nagsimula ang alitan ng dalawa, ngunit ibinaba umano ng babae ang bintana ng kanyang sasakyan para humingi ng paumanhin.


Pero imbis na magsalita, dinuruan daw ni Wipperman ang mukha ng babae ng pagkain na pumasok pa sa bibig nito, ayon sa ulat ng Tampa Bay Times.

Binuksan din ng 61-anyos ang pinto ng sasakyan ng babae na pinagsisigawan at dinuro-duro nito, ayon sa ulat.

Nakapiit sa Pinellas County Jail si Wipperman na sinampahan ng reklamong pananakit at panloloob sa sasakyan ng biktima.

Hindi naman malinaw kung bakit nagtagal ang pagdakip sa lalaki.

Facebook Comments