Lalaki, hinagisan ng paputok ang isang pulubing natutulog

(Screenshot from NYC Scanner Twitter video)

NEW YORK CITY – Lapnos sa katawan ang inabot ng isang pulubi nang hagisan ng paputok ng lalaki habang natutulog ito sa Harlem street, NYC na nakatalukbong pa ng kumot.

Nakuhanan ng video ang buong pangyayari noong Lunes, bandang alas 4 ng madaling araw habang natutulog ang biktimang si Charles Bell, 66, nang may lalaking nagsindi ng firework saka inihagis sa kanya.

(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)


Ilang segundo nang mapansing may sumisindi ay nagising ang biktima saka nangyari ang naturang pagsabog.

Sa footage ay maririnig din ang isa ring lalaking tila humahagikhik pa.

Dinala naman sa St. Luke’s Hospital ang biktima kung saan ginamot ang kanyang minor burns at kalauna’y nasa maayos nang kondisyon.

Samantala, inilalarawan naman ng New York Police ang krimen na nakapangingilabot kaya kailangan umanong mahuli ang mga responsable sa likod ng nangyari.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya simula nang kumalat sa social media ang naturang video.

Matapos ang insidente ay nagtatag ng task force noong umaga ng Martes ang Mayor na si Bill de Blasio para tugisin ang suppliers at distributors ng illegal fireworks.

Nagsawa na ng malawakang operasyon ang nasabing grupo para mahuli ang responsable sa likod ng ilegal na pagagamit ng paputok.

Facebook Comments